
who hailed from the province of our National Poet, Francisco Balagtas, Mohammed Eisa De Jesus of Jeddah..

Mutya
Ako'y hinanapang humabi ng tudling
Ngunit di-makaya sanhi ng dalahin
Ng tulirong isip at maraming sagwil
Kaya't ang panulat ay laging tamilmil.
Sa maraming buwang nagdaaang matulin,
Habol ang paghinga sa madlang hilahil
At ang abang puso'y kalong ng panimdim,
Inaalaala'y kayraming tiisin.
Lumipas man yaong araw n'yaring giliw
Nang siya'y nagdiwang ng dakilang birthday,
Ang tanging nagawa ay ang manalanging
Humaba ang buhay na biyaya'y angkin.
Sa katotohanan, gayundin ang hiling
Sa Poong Maykapal sa bawat pagdating
Ng bagong umaga ng aking paggising,
Siya ay kabilang sa pananalangin.
Palibhasa'y Mutya't Diwatang Godmother,
Siya't walang ibang nahirang, nahiling
Na siyang mamuno sa tanang mithiin
Nitong namumukod-tanging OFCouncil.
Sa aba ng aking pusong nagdidildil
Na di-makalahok sa mga balakin
At di-makaambag sa mga gugulin
Lubos na nagalak pagkat tagumpay rin.
Sumapit na pala ang Anita's Kitchen
Sa dahop na nayon ni Fredang magiliw,
At sa linggong ito'y makikilala rin
Sa pook ni Bernard ang Kusinang super.
Hindi magaganap ang mga layuning
Magtatag ng gayong dakilang gawain
Tungo sa paglusog at pag-unlad na rin
Kundi sa Kusinang inspirasyon namin.
Sa tulong ng Diyos, lahat mararating
Sa pagtutulungan sa mga gampanin;
Kayrami pang dapat ihanda at gawin,
Lahat magaganap, lahat haharapin.
Ito ay sa dahilang ikaw ay kapiling,
Ikaw ang nanguna't ikaw ay susundin;
Kahit nangyari mang sa iba bumaling
Ang ilang lumisan, nariyan ka pa rin.
Di-dapat magtaka kung tagumpay mandin
Ang bawat bagay na iyong nanaisin;
Palibhasa kasi'y banal ang hangarin,
Sadyang maka-Diyos, angkop pagpalain.
Sa pakikitungo'y pantay ang pagtingin,
Mayama't mahirap, iisa ang turing.
Marunong at mangmang, mabikas, gusgusin,
Pawang magkatulad sa iyong paningin.
Sa mundo'y maraming animo'y bituin
Sa bawat larangan ng madlang gawain6;
Buong kasaysayan ng mundo'y nagturing
Ng maraming kwentong pawang magagaling.
Subalit ni minsa'y di ako palaring
Makatunghay niyong buhay mo'y kahambing;
Galing sa dalita, buhay mo'y nagningning
Ngunit di-nagbago, hindi nagmagaling.
Sa 'yong paglalakbay, di-nagliliwaliw
Kundi naglilingkod at naghahabilin.
Ang mga nalikom, nababahagi rin
Sa mga hikahos, lakip ang paggiliw.
Ang sadyang kaiba'y ang iyong lutuin
Ay laging kasama sa mga kilusin;
Maging sa harapan, Internet o texting,
Sa bawat usapan, damay ang pagkain.
Kaya't sa Maykapal, ang tangi kong hiling:
Buhay mo'y tumagal na kapiling namin.
Mohammed Eisa de Jesus, Jeddah/Bulacan
|