
Sa Aking Diwata
Sa pag-iisa ko'y alaala kita
Sa 'yong paninimdim sa likod ng saya;
Hindi ko makuro ang pangungulila
Ng isang diwatang kay-buti't kay-ganda.
Ang kabaitan mo'y ligaya ng madla,
Ano't nalulumbay sa iyong gunita
Niyong nakalipas na tigib ng luha
Gayong nasa iyo ang tanang biyaya?
Ako'y walang payo o kaya'y mungkahi
Sapagkat taglay mo ang sukdol ng muni;
Sa isang kumpas mo, lahat maaari,
Ang kapangyarihan ay walang kauri.
Ngunit, palibhasa'y guni-guni lamang
Ang itinuturing na kapangyarihan;
Sa katotohana'y sa Poong Maykapal
Lamang makakamit ang lahat ng bagay.
Kaya't isipin mong yaong nakalipas
Ay di-magbabalik hanggang sa magwakas
Ang taglay na buhay, at ang tanging bakas
Niyong alaala'y gamiting liwanag.
Ang lahat ng iyong dating inaasam,
Hindi ba't natupad at iyong nakamtan?
Kung kaya't ang lahat ng pait ng buhay
Ay nahalinhan na ng tamis na tunay.
Purihin ang Diyos na nagkakaloob
Ng lahat ng bagay, ng tuwa at lungkot;
Kanyang hinahangad, sa Kanya'y dumulog
At isuko natin ang buhay nang lubos.
Ang buhay ng tao'y nilikhang katulad
Ng araw at gabi, dilim at liwanag;
Subalit paglipas ng buong magdamag
Ang humahalili'y maghapong may galak.
Sa sinapupunang binalot sa dilim,
Nagmula ang sanggol, sa mundo'y tumingin;
Hanggang sa tumanda't sa dilim nalibing,
Muling magbabangong Diyos ang kapiling.
By: Mohammed Eisa
|