Ang lahat sa silid na ito ay may kasaysayan: Ang narinig ng dingding, ang nadama ng higaan, Ang nakita ng salami't nahipo ng upuan, Pira-pirasong kuwento ng ating suyuan.
Sa ating higaan, di pa natitiklop ang kumot, Sukdulang ligaya sa piling mo aking naabot, Yakap at halik sariwa pa't mahirap kong malimot, Nguni't ang bigla mong pagwalay, matinding bangungot.
Taginting ng tinig mo, mayroon pang alingawngaw, May bango pang naiwan sa unan mong kaulayaw; Kita ko pa, bakas ng hakbang mong tila pasayaw, Ang iyong pakuyakuyakoy sa silyang magalaw.
Kinahiligan mo na ang bintana'y iwang bukas Nang suwerte ay makapasok at malas makalabas, Sinag ng araw at sariwang simo'y makalampas, At sa dapit-hapon ang pagdating ko ay mamalas.
Bestida mong nangakasabit tila mananayaw, Sa hihip ng hangin nakabibighaning gumalaw, Nang huli kang lumisan suot mo'y kulay na mapusyaw, Sinundan kita ng tingin hanggang pangitai'y pumanaw.
Mga bagay na iyong minahal, buo pa't karamay, Saksi sila sa masasayang tagpo sa 'ting buhay; Kung sila lamang ay magkabibig at magkamalay, Bawa't isa sa kanila tiyak na may salaysay,
Sila ay aking kasama sa iyong pagkawala; Alaga mong pusa ayaw kumai't laging balisa, Ang halaman sa paso, maputla na at malata, Ang estatwa ng birhen, tila baga'y lumuluha.
Ang kuwadro mong bulaklakin, kumupas na ang kulay, Ang ibon sa hawla, lagi nang yuko at matamlay, Nobela mong binabasa ang pahina'y lugaygay, Pipi na ang plawta na dati-rati ay maingay.
Sa munting kahon na taguan mo ng yaman, Naroon ang singsing na sa tiwala mo'y pinuhunan, Kahi't na ito'y tanso at puwit ng baso lamang, Sinabi mo, halaga nito'y mahirap tumbasan.
Ang silid nati'y paraiso sa balat ng lupa, Pintuan natin ay matibay na makabuwal ay wala, Sa isang panig nito, may katahimika't tuwa Ang pagod, lungkot, agam-agam ay nasa kabila.
Sa isang kisap-mata mabilis kang nagkapakpak, Naiwan mo akong paa'y sa lupa nasadlak, Sa `yong pagbabalik o kung ako ri'y makalipad, Sa ating silid, dito muli tayo magyayakap.