| | 
By: Mohammed Isa De. Jesus

Di ko akalaing santaon na naman
Ang dagling lumipas na parang kalian lang;
Paano’y naroon ako sa tahanang
Kapiling ng aking mga minamahal.
Marso veinte siete ang una kong araw
Nang ako’y dumating sa sariling bayan;
Kaya’t nalimutan ang lahat ng bagay
Kabilang ang isang gintong kaarawan.
Kababalik ko lang sa “bansa” kong ito –
Sa Saudi Arabiang naging tahanan ko;
Ang aking pamilya’y lubhang nagtatampo,
Wala pang sambuwan, nagbalik na rito.
“Paano,” wika ko, “sa pook na ito
Nanggagaling lahat ang kabuhayan n’yo;
Kung kayo’y sasama, lahat na nga kayo,
Inshallah (*), dito ay sasagana tayo.”
Sa aking pagbalik, saka ko nabasa,
Isang kaarawan pala’y lumipas na.
Gayunman, kahit na ako’y nagkasala
Sa hindi pagbati, ngayo’y babawi na.
Parang kahapon lang, mahal kong Anita,
Tayo’y nagsimulang mangarap ng grasya
Para sa mga kabayang may dusa
Na nais tulungan sa abot ng kaya.
Purihin ang Diyos! Sa pwesto mo ngayon,
Nagagampanan mo ang ‘yong nilalayon;
Kay-liit ng mundo – oras, hinahabol,
Handog mo ay yaman, talino’t panahon.
Di isang himalang marami ang tulong
Na nadadala mo sa lunsod at nayon;
Mga kasamaha’y nabibigyang-hamon
Upang masundan ka sa banal na misyon.
Kay-sarap isiping dito’y nagaganap
Sa OFCI ang mga nararapat
Na gampanan sana ng nasa itaas
Niyong pamahalaan ng bayan kong Pinas.
Malaki ma’t munti ang mga pangarap
At lahat ng ating mga binabalak,
Sa pagtutulungan, matutupad lahat,
Sa Awa ng Diyos, Kanyang igagawad.
Ang “Diamond Age” mong halos abot-kamay,
Ang laging hiling ko sa Poong Maykapal:
Humigit pa sana at nang pamarisan
Ng maraming taong mahal din ang bayan.
Nawa’y lumawig pa ang lakas mong taglay,
Ang yama’t panahong laan mong ialay,
At hindi magbago, kundi maragdagan,
Ang tanang biyayang handang ipamigay.
Sa iyong uliran at mabuting kabyak,
Nawa’y magpatuloy ang buhay at lakas
Na gaya ng iyo upang maging ganap
Ang pagmamahalan sa ginhawa’t hirap.
Ang pagsusunuran niyong mga anak
At mga apo mo’y lumago, lumawak;
Ang inyong tahanan, matampok, malantad,
Na isang huwaran ng tanang mag-anak.
Ang OFCI na iyo ring pamilya,
Nawa ay umunlad, ikaw bilang Ina;
Ang pagtutulungang napasimulan na,
Higit na lumago at managana pa.
Kay-palad ng tanang iyong nakasama
At ng darating na marami pang iba:
Nabigyan ng kulay, buhay at ligaya –
ANITA SESE-SCHON, IKAW AY IISA.
(*) God Willing – Kung ipahihintulot ng Diyos
| |